Ang OFW
Ako nga pala si Charlie Montemayor, isang OFW dito sa Palau. May dalawang anak na nasa Baguio sa kasalukuyan kasama si misis. Ilang taon na rin ang nakalipas mula nuong nakatapak ako sa isla ng Palau taong 2003. Yun ang unang labas ko nang bansa. Eto na rin yata ang unang pagkakataon na malayo ako sa aking pamilya, at sana ito na ang huli. Nakakalungkot, Oo. Pero kailangan, para sa kinabukasan ng mga bata.
Ang Forumer
Nakilala ako bilang si LordCM sa isang forum ng mga taga-Baguio, isa ito sa mga naging paraan ko para kahit papaano mabawasan ang homesickness na nararanasan, ang makipagkwentuhan online. Hindi naman ako taga-Baguio, nag-aral lang ako dun ng ilang taon pero sadyang malapit yata ako sa mga taga-baguio at kahit di ako taga duon ay nakikisalamuha pa rin ako sa kanila kahit sa forum lang. LordCM ang naging alias ko sa forum, dahil na rin sa isang section ng forum na tinawag nilang Dungeon. Kung saan andun lahat ng kalokohan at kung saan isinilang ang Dungeon Lord, Ako yun!
Ang Blogero
LordCM na rin ang ginamit ko nuong natutunan kong magblog. Bukod sa forum, blogging na rin ang naging isa sa mga karamay ko sa tuwing nag-iisa. Sa mundo ng blogosperyo na rin ako nakakilala ng maraming-maraming kaibigan. Di ko man sila nakikita ng personal, anduon pa rin yung pagmamalasakit ng bawat isa na makikita mo lang sa tunay na magkakaibigan.
Ang Kabuuan
Bukod sa pagtatrabaho sa araw, sa blogging ko na ibinuhos ang mga natitirang oras ko sa bawat araw, pampalipas oras sabi nga ng ilan. Dito ko na rin nabuo ang Isang Minutong SMILE na may layuning magbigay kasiyahan sa mas nangangailangan sa tulong na rin ng mga kaibigan blogero. Bukod sa pagbibigay saya, nabuo rin ang Ask Pinoy Bloggers upang tumulong naman sa mga baguhan sa mundo ng blogosperyo. Isa itong grupo ng mga bloggers kung saan maaari kang magtanong, sumagot at matuto ng pasikot-sikot ng blogging.
Sa ngayon, pilit akong naghahanap ng posibleng pagkakitaan bukod sa pagtatrabaho. Hindi naman lingid sa ating kaalaman na ang karamihang OFW ay nangangarap na minsan, darating ang araw na uuwi tayo sa ating bansang sinilangan, at tuluyan nang makasama ng habambuhay ang minsan na nating iniwang mga mahal sa buhay.