May mga bagay na di na kayang kontrolin ng isang nilalang na tulad ko, tulad nyo, ni pigilan ay di magawa…Ito’y mga bagay na sadyang itinakda para sayo, para sa kung sino man…Ito’y itinakda dahil kailangan at may dahilan…at kung gagawin ang tama at ang karapat dapat, tiyak ito’y kayang lagpasan.
Dapit hapon kung ito’y tawagin, kung saan nag aagaw ang liwanag at dilim. Di man natin kagustuhan pero ito’y itinakda, kailangan mangyari at kailangan pagdaanan…Ang maganda lang, ito ang nagsisilbing simula para mapaghandaan ang susunod na araw.
Kalimitan, iniisip natin na ang mga problemang dumaraan sa buhay natin ay isang kamalasan o isang masamang pangyayari na kahit di natin ginusto ay sadya tayong kinakapitan…minsan pa halos sisihin natin ang nasa itaas dahil sa sobrang hirap at sakit na nararanasan…pero kung tutuusin, nasa sayo lang naman kung paano mo ito malalagpasan, kung paano mo ito gagamitin para sa mga susunod pang pangyayari sa ating buhay ay magawa natin ng tama.
Ang problemang dumarating ay para lang dapit hapon, di kayang kontrolin o pigilan pero tiyak kayang lagpasan…Madilim man kung ituring pero ito ang panahon kung saan maaari kang makapag ipon ng lakas, itama ang lahat at paghandaan ang susunod na liwanag.
Pingback: Dapit Hapon