Nasa tabing dagat si Nilo habang pinagmamasdan ang paglubog ni Haring Araw, kasabay nito ang pagdating ng malamyos na hanging dala ng tubig mula sa dagat upang bigyang saya ang noo’y matamlay na si Nilo. Ngunit bago pa man dumampi ang hangin sa pisngi ni Nilo, naunahan na ito ng luhang matagal nang nagpupumilit na kumawala sa kanyang mga mata.
Torpe ang kantyaw kay Nilo ng mga tropa simula pagkabata, hanggang ligaw-tingin lamang ito sa mga hinahangaang kaklase. Pero ang tutuo, alam ni Nilo sa sarili nyang wala syang maipagmamalake kung pag uusapan ang hitsura, kaya madalas ang paghanga’y nakukulong na lamang sa dibdib at hindi mabigyan laya. Magkaroon man ng pagkakataon itong si Nilo upang ihayag ang nararamdaman, bigla na lamang itong susuko at ibabaon sa limot ang lahat.
Kaya’t simula pagkabata, hanggang sa magkolehiyo hindi naranasan ni Nilo ang makipagrelasyon. At imbes, nalulong ito sa gimikan, banda,inuman, yosi, tropa pati pagpapahaba ng buhok at pagpapa-tattoo sa braso ay nasubukan nya. Sabi nga ng iba wala ng Pag-asa. Patunay lamang nito ang pagsasayang nya ng perang pang-tuition sa dalawang Unibersidad bago pa napadpad sa isang iskul kung saan nya nakilala ang babaeng hanggang ngayo’y laman pa rin ng kanyang puso.
Matalino si Lyn at tulad ni Nilo, transferee rin sya sa pinapasukang iskul. Una pa lang humanga na sya dito dahil sa taglay na ganda at pagiging masayahin, walang malungkot na sandali kapag sya ay kasama. Ngunit tulad ng nakagisnan, hanggang ligaw-tingin lamang si Nilo. Hindi maihayag ang kanyang nararamdaman at patuloy lamang na humahanga.
Ganun pa man, Si Lyn na ang naging inspirasyon nito sa pag aaral. Kasabay ng mga kalokohan sa tropa ay pagseseryoso sa pag aaral. Hanggang sa nagkaruon si Nilo ng pagkakataon upang maipadama kay Lyn ang nararamdaman.
Nagkasakit si Lyn at ilang araw hindi nakapasok, at sa pagkabahala ni Nilo gumawa sya ng paraan para makuha ang numero ng telepono ni Lyn upang matawagan ito at makamusta. Sabi ng mga nakakakilala kay Lyn istrikto daw ang Lola nito, hindi basta-basta tumatanggap ng tawag lalo’t lalake ang nasa kabilang linya. Ngunit di nawalan ng pag-asa si Nilo, tumawag sya sa kadahilanang sa pagkakataong ganito lamang nya maipadarama ang nararamdaman.
Nagkausap nga si Lyn at Nilo sa telepono dahil na rin sa napaamo ni Nilo ang Lola nyang istrikto, ngunit dala ng kaba hindi nakuhang magpakilala ni Nilo kay Lyn. Nagpatuloy ang tawagan nila hanggang sa dumating ang araw na nabisto na si Nilo, wala na syang maitatago, kilala na sya ni Lyn.
Nalaman ito ng mga kaibigan nila, at tulad ng mga kabataan hindi naiwasan ang kantyawan ang dalawa. Hanggang sa dumating ang araw na naging sila at eto na rin ang simula ng mga masasayang araw para kay Nilo.
At dahil na rin sa nararamdamang saya ni Nilo sa piling ni Lyn, nakaisip sya ng bagay na maaari nyang i-regalo dito. Isang bagay na kapag binigay nya kay Lyn ay maisasama ang kanyang nararamdamang pagmamahal, paghihirap, tyaga, at oras na gugugulin nya sa paggawa nito. Ang pinakaunang Cross-Stitch na ginawa ni Nilo…
At sa unang pagkakataon, nakikipaghabulan si Nilo sa mga magagaling na mag-aaral ng eskwelahang kanyang pinasukan, kasama ang babaeng naging inspirasyon sabay nilang tinapos ng buong tapang ang kolehiyo…
Dumampi ang malamyos na hanging dala ng tubig mula sa dagat sa pisngi ni Nilo, ngunit di nito napawi ang luhang patuloy na umaagos sa kanyang pisngi…
Wala na ang Haring Araw, tapos na ang pagbabalik-tanaw, simula na naman nang pag yakap sa kasalukuyan…
Simpleng kwentong Pag-Ibig, imahinasyon ng may akda, alay sa mga mambabasa
HAPPY PUSO DAY!
37 Responses to Cross Stitch